
Isinagawa na ang pormal na inauguration at ribbon cutting ng bagong gusali ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Amulung, Cagayan na pinondohan ng Lokal na Pamahalaan bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng serbisyong pangkaligtasan sa komunidad.
Nagsimula ang programa sa isang banal na misa na pinangasiwaan ni Rev. Fr. Rusty Aggabao at sinundan ng blessing ng pasilidad bilang hudyat ng opisyal na pagbubukas at paggamit ng bagong gusali.
Dumalo sa naturang aktibidad ang ating aktibo at butihing alkalde Hon. Elpidio Rendon kasama ang mga kasapi ng Sangguniang Bayan na sina SB Marcian Donato, SB Ismael Zalun, at SB Jong Jong Malamug, gayundin ang iba pang mga department heads ng Lokal na Pamahalaan ng Amulung upang magpakita ng suporta sa mahalagang proyektong ito.
Dumalo rin ang Regional Director ng Bureau of Fire Protection na si FSSUPT Victoria Domingo kasama ang iba pang opisyal ng BFP Cagayan Provincial Office na nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa lokal na pamahalaan sa pagpapatayo ng isang maayos at modernong pasilidad para sa kanilang mga kawani.
Ipinahayag naman ni Municipal Fire Marshal FSINSP Ma’am Visitacion Martirez, kasama ang buong hanay ng mga personnel ng BFP Amulung, ang kanilang labis na pasasalamat sa Lokal na Pamahalaan ng Amulung sa pagbibigay ng bagong gusali na magsisilbing malaking tulong sa mas maayos na operasyon at mas epektibong paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.
Ang bagong BFP building ay inaasahang higit pang magpapalakas sa kakayahan ng mga bumbero na tumugon sa mga emerhensiya at maghatid ng mabilis at epektibong serbisyo para sa mamamayan ng Amulung.




