
Matagumpay na inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang programang “Luntiang Bukas: Arbor Day 2026” sa pamamagitan ng isang malawakang tree planting activity na isinagawa sa Barangay Calintaan, Amulung, Cagayan.
Nakiisa sa naturang aktibidad ang lokal na pamahalaan ng Amulung sa pangunguna ni Mayor Hon. Elpidio Rendon, kasama si Sir Inocencio Gacias (Municipal Environment and Natural Resources Officer) mga kinatawan ng DENR, empleyado ng lokal na pamahalaan, mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), mga opisyal ng barangay, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang Non-Government Organizations (NGOs).
Bahagi ng programa ang pagpapalakas ng kamalayan ng komunidad sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan, pagpapanumbalik ng mga kagubatan, at pagsusulong ng mga hakbang tungo sa mas luntiang kapaligiran para sa susunod na henerasyon.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor, ipinakita ng mga kalahok ang kanilang suporta sa mga programang naglalayong protektahan at pangalagaan ang likas na yaman ng bayan ng Amulung.




