Mark Anthony Baltazar

Share
Puno ng inspirasyon, pagkilala at pagpapahalaga sa tapat na paglilingkod-bayan ang isinagawang Flag Raising Ceremony ngayong umaga ng Lunes, ika-7 ng Setyembre 2026.
Pinangunahan ang programa ng mga opisyal ng Lokal na Pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Elpidio R. Rendon, kasama sina SB Member Amor Emmanuel M. Pasimio, SB Member Heribert R. Rendon, mga Department Heads, mga kinatawan ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) Amulung, mga kawani ng Armed Forces of the Philippines, Amulung Ministral Alliance, at mga empleyado ng lokal na pamahalaan.
Tampok sa programa ang espesyal na pagkilala at paggawad ng Resolusyon na nagpapaabot ng taos-pusong pagbati kay Brigadier General Darrell R. Bañez, isang anak ng Barangay Calamagui, Amulung, Cagayan, sa kanyang pagkamit ng ranggong One-Star sa Philippine Army at pagkakatalaga bilang Commander ng 501st Infantry (Valiant) Brigade, 5th Infantry Division, Philippine Army. Ang nasabing resolusyon ay inakda ni SB Member Amor Emmanuel M. Pasimio.
Sa kanyang inspirational na mensahe, ibinahagi ni BGEN. Bañez na ang tagumpay ay hindi nakukuha nang mag-isa, kundi bunga ng pangarap, pananampalataya, sipag, disiplina, tiyaga, at suporta ng pamilya at komunidad. Binigyang-diin din niya na ang mataas na ranggo ay hindi lamang isang parangal kundi isang mas malaking pananagutan upang mamuno at maglingkod nang higit na mahusay, nang may kababaang-loob at hindi kailanman nakakalimot sa sariling pinagmulan.
Hinikayat naman niya ang mga kabataan ng Amulung na maniwala sa kanilang sarili, mangarap, magsikap, magdasal at huwag sumuko, sapagkat anumang pangarap ay maaaring makamit sa pamamagitan ng determinasyon at tiyaga.
Binigyang-parangal din sa programa ang Municipal Budget Office, sa pamumuno ni Municipal Budget Officer Jenelson Gorospe, matapos itong kilalanin bilang Top Performing Local Budget Office sa buong Region II.
Lalo pang naging makabuluhan ang pagkilalang ito dahil nakamit ng LGU Amulung ang pinakamataas na marka sa lahat ng mga nominado at entries na lumahok sa naturang pagkilala ngayong taon—isang patunay ng mahusay, episyente at responsableng pamamahala sa mga proseso ng pagbabadyet ng munisipalidad.
Kinilala rin ang Municipal Assessor’s Office at ang Municipal Assessor na si Mr. James John R. Castillet para sa kanilang natatanging pagganap at dedikasyon sa serbisyo publiko.
Kabilang sa binigyang-diin sa pagkilala ang 100% completion ng General Revision of Real Property Assessments, gayundin ang kanilang mahusay na pamumuno, teknikal na kakayahan at mga hakbang na nakatulong sa pagpapalakas ng real property assessment at revenue-generating capacity ng Bayan ng Amulung.
Ang mga naturang pagkilala ay bahagi ng Program on Awards and Incentives for Service Excellence (PRAISE), na kumikilala sa mga huwarang lingkod-bayan at institusyong nagpapakita ng kahusayan, dedikasyon, propesyonalismo at malasakit sa serbisyo.
Samantala, pormal ding nakiisa ang Lokal na Pamahalaan ng Amulung sa pagdiriwang ng ika-126 na Anibersaryo ng Philippine Civil Service, bilang pagpupugay sa mga lingkod-bayang patuloy na nagsisilbi para sa kapakanan ng mamamayan.
Naghatid ng makabuluhang mensahe si HRMO II Paul G. Belen, na sinundan ng “Signing of Commitment” na pinangunahan nina Mayor Rendon at Brigadier General Bañez, kasama ang mga pinuno ng iba’t ibang tanggapan at mga kawani ng pamahalaan.
Simbolikong ipinakita ng seremonyang ito ang sama-samang paninindigan ng mga lingkod-bayan na ipagpatuloy ang tapat, mahusay, responsable at makataong serbisyo publiko para sa mamamayan ng Amulung.
Sa kanyang mensahe, ipinagmalaki ni Mayor Elpidio Rendon ang dedikasyon at kahusayan ng mga pinarangalan, at pinaalalahanan ang lahat ng empleyado ng Lokal na Pamahalaan na patuloy na gawin ang nararapat at ang pinakamainam para sa ikabubuti, ikauunlad at ikagaganda ng Bayan ng Amulung.