Categories: Uncategorized

Mark Anthony Baltazar

Share
Isinagawa sa Bayan ng Amulung ang paglulunsad ng P20 Kada Kilo Rice Project, isang programa na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang bahagi ng mga hakbang upang makatulong sa mga mamamayan na magkaroon ng access sa mas abot-kayang presyo ng bigas.
Itinuturing ang Amulung bilang kauna-unahang bayan sa buong Lalawigan ng Cagayan na naglunsad ng naturang programa, na naglalayong makatulong sa mga pamilyang higit na nangangailangan ng murang bigas.
Dumalo sa paglulunsad si Mayor Elpidio Rendon, kasama sina Sangguniang Bayan Member Heribert Rendon at SB Member Amor Pasimio, gayundin si Municipal Agriculturist Engr. Victoria Superal at mga kinatawan mula sa Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA).
Sa pamamagitan ng programa, magkakaroon ng pagkakataon ang mga kwalipikadong mamamayan na makabili ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo, bilang tugon sa patuloy na pangangailangan ng mga pamilya para sa mas abot-kayang pangunahing pagkain.
Para sa mga nais makabili ng ₱20 kada kilo na bigas, kinakailangang magtungo sa Department of Agriculture Office ng Lokal na Pamahalaan ng Amulung upang magparehistro at sumailalim sa kaukulang proseso.
Ang paglulunsad ng programa sa Amulung ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng Pamahalaang Lokal, DA at NFA upang maisakatuparan ang mga programang direktang makatutulong sa kabuhayan at pang-araw-araw na pangangailangan ng mga mamamayan.